MANILA, Philippines - Dinukot ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang dalawang magkapatid na babae na Filipino-Algerian national sa Brgy. Liang, Patikul, Sulu kahapon ng umaga.
Kinilala ni Task Force Sulu Commander Col. Jose Johriel Cenabre ang panibagong mga bihag na sina Linda Abdel Basit at Nadova Abdel Basit.
Sinabi ni Cenabre, dakong alas -9:30 ng umaga habang lulan ang mga biktima ng pampasaherong jeepney galing sa kapitolyo ng Jolo nang harangin ng grupo ng mga bandido pagsapit sa lugar.
Walang nagawa ang mga biktima matapos na tutukan ng baril saka kaladkarin ng mga bandido patungo sa pinagkukutaan ng mga itong kabundukan sa nasabing lugar.
Ayon kay Cenabre, ang mga biktima ay nagtratrabaho bilang Public Relations ng mga Tausug sa ilalim ni Sultan Bantilan Muizudin na ang tanggapan ay matatagpuan sa KM2, Brgy. Kajatian, Indanan, Sulu.
Tinukoy ni Cenabre ang namuno sa mga kidnapper ay alyas na Ninok Sappari, notoryus na lider ng Urban Terrorist Group ng Abu Sayyaf. Nagsasagawa na ng search and rescue operations ang tropa ng Philippine Marines upang ligtas na mabawi ang dalawang dayuhang bihag.