SUV sumalpok: mayor, bodyguard dedo

MANILA, Philippines - Dedo ang alkalde ng Apayao at bodyguard nito habang malubha na­mang nasugatan ang tatlo pa, kabilang ang bise alkalde makaraang aksidenteng sumalpok sa isang punongkahoy ang sinasakyan nilang Sports Utility Vehicle (SUV) sa highway ng Pagudpud, Ilocos Norte, kahapon ng madaling araw.

Nasawi habang isinu­sugod sa Bangui Hospital ang mga biktimang sina Bety Versola, Mayor ng Luna, Apayao at bodyguard nitong si Marlon Tac­libon.

Ginagamot naman sa nasabi ring hospital ang mga sugatang  sina Vice Mayor Josephine Bangsil, driver na si Jun Ildefonso at Milet Agustin.

Ayon kay Chief Supt. Ricardo Marquez, Director ng Police Regional Office 1 (PRO-1), naitala ang malagim na sakuna sa kahabaan ng highway ng Brgy. Pasaleng, Pagudpud bandang ala-1:20 ng madaling araw.

Base sa imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng kulay pulang Montero Sport Vehicle na may plakang SKP-730 na minamaneho ni Jun Ilde­fonso galing Baguio City at pabalik na sa Apayao nang mangyari ang aksidente.

Sinabi ni Marquez, ma­bilis ang takbo ng behikulong sinasakyan ng mga biktima habang bumabagtas sa nasabing highway ng biglang may tumawid na kalabaw  na tinangkang iwasan ng driver na siyang dahilan upang sumalpok ang SUV sa isang puno sa tabi ng highway.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nagtamo ng ma­tinding sugat sa ulo ang driver at ang alkalde na bagaman nagawa pang maisugod sa pagamutan ay nabigo ng maisalba ang buhay.

 

Show comments