MANILA, Philippines - Tigok ang isang mekaniko makaraang hampasin ng barko ang sinasakÂyang niyang speed boat sa dalampasigan ng Navotas City, kahapon ng umaga.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi matinding pinsala sa katawan ang biktimang si Joselito Lista, 33, may asawa, ng K-2 top Marine Service Inc, ng 109 CLS Building Dagat Dagatan Caloocan City.
Base sa imbestigasyon ng Maritime Police, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga sa karagatang nasasakupan ng Navotas.
Nabatid sa mga sakÂsing sina Fraylan Rabe at Rolando Brinez, sakay ng speedboat ang biktima upang pumalaot, pero dahil sa lakas ng alon kaya nahampas ito ng barko na nagresulta ng matinding pagkasugat sa tiyan at katawan.
Agad naman isinugod sa pagamutan ang biktima subalit ilang oras ang makalipas ay nalagutan rin ito ng hininga habang nilalapatan ng lunas.