Sa loob ng cruise ship… Pinay, ginahasa ng 2 Bumbay

MANILA, Philippines - Humihingi ngayon ng hustisya ang isang Pinay matapos na umano’y gahasain ng kanyang mga Indian superior sa loob ng kanyang pinapasukang cruise ship habang naglalayag kamakailan.

Ayon sa report, nag­hain na ng reklamo sa Kon­sulado ng Pilipinas sa Hong Kong ang 32-anyos na Pinay na itinago muna ang pagkakakilanlan na nagtatrabaho bilang security guard sa MV Costa Classica, isang Indian flagged vessel na pag-aari ng Costa Crociere.

Sa isang liham ng kanyang abogado na si Pedro Linsangan na ipinadala sa isang pahayagan, ang kanyang Pinay na kliyen­te ay ginahasa umano habang lulan sa nasabing cruise ship noong Pebrero.

Ang dalawang Indian na suspek sa panghahalay ay kinilalang sina Joseph Chacko, chief security officer at Anoop Palatty, as­sistant chief security officer sa nasabing barko.

Sa kanyang sinum­paang salaysay, sinabi ng Pinay na habang siya ay  naka-duty at nagpa-patrol dakong alas-11:00 ng gabi sa crew area ng barko noong Pebrero 19, 2012 nang ta­wagin siya ng kanyang ship-in-charge security officer na si Mohammed Riyaz upang mag-report sa kanilang security office.

Dito, inabutan umano niya sa nasabing tanggapan ang dalawang suspek na umii­nom ng alak at dito umano siya unang pinakitaan ni Palatty ng “indecent advances” kaya napilitan umano niyang lisanin ang nasabing tanggapan.

Bago maghating-gabi, muli umano siyang ipina­tawag ng kanyang superior at dito ay sa cabin na ni Chacko. Inisip ng biktima na para sa traba­ho ang ipagagawa kaya agad siyang nagtungo sa cabin at nasorpresa siya nang makita ang dalawang suspek na patuloy na nag-iinuman.

Tinalakay umano nila ang security procedures at sa nakatakdang staff eva­luation kung saan sinabi na posibleng i-rehire siya dahil may gusto umano sa kanya si Chacko at kaila­ngan lang na mapasaya nito ang huli.

Pinuwersa umano siya ni Chacko at sinubukan niyang manlaban subalit nagahasa umano siya nito.

Ini-report umano ng Pinay sa ship captain na si Italian Pierre Paulo Gallastroni ang pang-aabuso sa kanya at sinabihan siyang gumawa ng opisyal na salaysay.

Show comments