LLDA binalaan ang mga QSRs
MANILA, Philippines - Nagpalabas ng babala kahapon ang pamunuan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) laban sa mga Quick Service Restaurants (QSRs) na nag-ooperate sa Metro Manila at Calabarzon na hindi sumusunod sa mga panuntunan sa wastewater treatment na isinasaad sa ilalim ng Philippine Clean Water Act of 2004.
Ayon kay LLDA head at concurrent Environmental Protection Sec. Neric Acosta, hindi siya mangingiming ipasara at kasuhan ang mga QSRs na mahuhuling nagtatapon ng kanilang maruming tubig sa lawa ng Laguna.
Si Sec. Acosta ay siya rin may-akda ng Philippine Clean Water Act of 2004 noong siya ay Congressman pa ay nagsabing, banta sa food security ng bansa ang pagtatapon ng maruming tubig sa lawa ng Laguna na nagsisilbing source o pinagkukunan ng 70 porsiyento ng suplay ng isda sa Metro Manila. Sinabi ni Sec. Acosta, maaaring malason ang mga isda sa lawa na maaari ring makalason sa mga consumer.
Samantala, masayang inianunsiyo ni Sec. Acosta ang paglagda ng kasunduan ng LLDA at ng Golden Arches Corporation, na siyang may-ari ng isang kilalang food chain para sa phased-in installation ng kumpanya ng wastewater treatment facilities sa mga sangay nito sa paligid ng Laguna de Bay Region (LDBR). Aniya, maglalagay ang nasabing food chain ng kanilang water treatment facilities sa may 45 company-owned branÂches sa LDBR mula July 2013 hanggang December 2014. Tiniyak ni Sec. Acosta sa pamunuan ng food chain na bubuo sila ng system of incentives upang mahikayat ang compliance sa effluent standards ng Clean Water Act na itinatakda para sa mga Quick Service Restaurants sa bansa.
- Latest