Karnaper may bagong modus

MANILA, Philippines - Kung dati  ay aabangan ng mga karnaper sa paglabas o pagpasok sa kotse ang driver para tangayin ang sasakyan, isa bagong modus ang natuklasan ng mga otoridad ito ay sa pa­mamagitan ng pagsunod ng mga ito sa biktima na papasok sa banyo.

Ganito ang nangyari sa biktimang si John Walter Spakowski III, na natangay ang kanyang Mazda 3 na may plakang ZBJ-697.

Sa salaysay ng biktima sa Quezon City Police Station 11, dakong alas-4:30 ng madaling-araw ay kasama niya ang nobyang si Alexandra Michelana nang iparada ang kanilang sasakyan sa harap ng Bur­ger King na matatagpuan sa kahabaan ng E. Rod­riguez Sr., Blvd., Brgy. Kalusu­gan, Quezon City para mag-almusal.

Pagdating sa loob ay nagpasya si John na magtungo sa banyo at binalewala ang isang lalaki na sumusunod sa kanya.

Pagkapasok sa loob ay bigla na lamang naglabas ng baril ang lalaki at  tinutukan si John at sinabihan na huwag lalaban kung hindi ay babarilin siya nito.

Nang malaman ng suspek na wala kay John ang susi ng kotse at na kay Alexandra ay pinuntahan ng una ang huli at puwer­sahang kinuha ang susi ng kotse saka sumakay at pinaharurot ito papatakas.

Kaya’t nagbabala ang pulisya sa publiko na ma­ging alerto sa taong sunud-sunod na posibleng may balak na masamang gawin.

 

Show comments