MANILA, Philippines - Tatlong lalaki na manlalako ang inaresto ng pulisya matapos mahuli na nagbebenta ito ng pekeng kutson ng Uratex sa mga barangay sa Quezon City.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Marvin Santos, Erwin Sipil at Romeo Duavit, may sapat na mga gulang at kapwa residente ng Cabanatuan City.
Sa salaysay ng isang Ma.Cecil Cumpas,na taong 2012 nang mabili niya sa mga suspek ang kutson, subalit tatlong araw pa lang ang nakalipas ay nawasak na agad ito.
Anya nitong nakaraang araw ay muling nakita niya ang grupo sa kanilang lugar sa lalawigan ng Rizal at ang insidenteng ito ang nagtulak sa kanya upang magsumbong sa mga otoridad at sa pamunuan ng Uratex foam sa QC.
Kasama ang mga alagad ng batas ay inabangan nilang muli ang pagbabalik sa kanilang lugar ng tatlong suspek at habang nagbebenta ng pekeng Uratex bed ay agad hinuli ang mga ito ng mga otoridad dala ang isang 6 wheeler closed van na lulan ang 23 piraso ng pekeng Uratex bed.
Sinasabing may mahigit 5 taon ng nagbebenta ng mga pekeng kama ng Uratex ang tatlong suspek sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Sa panig naman ng pamunuan ng Uratex na madaling malalaman na genuine ang kanilang produkto dahil ito ay makapal ang kutson, hindi madaling masira, nag-iisyu lamang ng resibo ang nagbebenta nito at hindi nailalako sa mga kabahayan sa Metro Manila kundi sa isang accredited stores lamang.