Habang nagmimeryenda sa restoran… lady estate broker binoga sa ulo

MANILA, Philippines - Inasinta ang ulo ng isang ginang na real estate broker matapos itong barilin ng isa sa dalawang lalaking suspek sa loob ng isang restoran ka­makalawa ng hapon sa Parañaque City.

Idineklarang dead-on-arrival sa Parañaque Medical Center ang bik­timang si Josephine Sar­miento, ng #20 Pilar Ban­zon St., BF Homes ng lungsod.

Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng hapon sa loob ng Pancake House Res­taurant na nasa ka­habaan ng President Avenue sa BF Homes ay kasama ng biktima ang mga kaibigan na nagme­meryenda.

Tumayo ang dalawang sus­pek na nagpanggap na mga customer na nakaupo sa kalapit na mesa ng bik­tima at bumunot ng baril at pinaputukan ng dalawang ulit sa ulo ang ginang.

Kaswal na naglakad palabas ng restoran ang mga suspek patungo sa nakaparada nilang mo­torsiklo at nagpaputok pa ng isa pataas bago mabilis na tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.

Hindi pagnanakaw ang motibo sa pamamas­lang dahil wala isa man sa mga gamit ng biktima ang tinangay ng mga sus­pek. 

Inaalam na ngayon ng mga imbestigador kung may kinalaman sa trabaho ng biktima bilang real estate agent ang pagpatay sa kanya.

 

Show comments