1 pa malubha… 2 Pinoy pinatay ng Taiwanese

MANILA, Philippines - Patuloy na bineberi­pika ng Manila Econo­mic and Culture Office (MECO) na nakabase sa Taiwan ang natanggap na ulat mula sa isang Karen Yabut, caregiver sa Taipei na ipinarating sa Bombo Radyo Cagayan De Oro na  dalawang overseas Fi­lipino workers (OFWs) ang nasawi habang isa ang malubhang nasugatan nang  atakihin ng mga galit na galit na Taiwanese.

Ang unang nasawi ay pinagsasaksak ng mga Taiwanese sa isang probinsya sa Taiwan habang ang ikalawa naman ay pinagpapalo ng baseball bat.

Malubhang nasuga­tan ang isang Joel De Leon, machine worker, matapos hatawin ng baseball bat ng may anim na Taiwanese na sumugod sa kanilang tinitirhang dormitoryo sa Csinchu, Taiwan.

Nakuhang manlaban ang mga Pinoy sa nasa­bing dormitoryo na malapit lamang sa isang police station, subalit nagawang makatakas ang mga uma­takeng Taiwanese.

Gayunman, hirap na makalakad si De Leon dahil sa matinding palo at mga hampas na inabot sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Isa namang Vietna­mese national sa Taipei ang naiulat ding nasawi matapos na kuyugin at pagbubugbugin ng mga Taiwanese matapos na mapagkamalang isang Pinoy.

Matinding takot na ang nararanasan ng may 85,000 OFWs sa Taiwan dahil na rin sa nararanasang panggigipit, pagmamaltrato at diskriminasyon sa kanila.

Show comments