MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang ina at dalawa nitong anak na ang edad ay 5-taong gulang at 9-buwan gulang habang ang isa pang anak na 7-taong gulang ang nasa kritikal na kondisyon matapos na mabagsakan ng gumuhong pader kahapon ng umaga sa Brgy. Sabatan, Orion, Bataan.
Ang mga nasawing mag-iina ay kinilalang sina Maribel Carpio, 27; mga anak nitong sina Noah Carpio, 5; at Sheena Carpio, 9 buwang gulang.
Inoobserbahan naman sa pagamutan ang isa pang anak na isang 7-taong gulang sanhi ng pagdurugo sa loob ng katawan nito.
Sa ulat ni Chief InsÂpector Elmer Santiago, hepe ng Orion Police, pasado alas-6:00 ng umaga nang maganap ang aksidente sa nasabing lugar habang nasa panaderya ang mister ng ginang at bumibili ng pandesal para almusalin ng kaniyang pamilya.
Nang bigla na lamang umanong bumigay ang tinatayang nasa sampung talampakang taas na paÂder na may sampu ring metrong lapad na itinatayong bakod sa lugar na dumagan sa maliit na kubo ng mga biktima.
Sa pagsisiyasat ay lumilitaw na substandard o mahinang uri ng materyales ang ginamit sa itinatayong bakod dahilan sa manipis ang bakal nito na nagbunsod sa trahedya.
Posibleng makasuhan ng multiple homicide at serious physical injuries ang may-ari ng ipinatatayong bakod na si Engineer Nelson Santos dahil sa kapabayaan.
Pinaniniwalaan namang ang pag-ulan sa lugar kamakalawa ng gabi hanggang kahapon ng madaling araw kaya dumausdos hanggang sa tuluyang bumigay ang naturang pader na kumitil sa buhay ng mag-iina.