Mga sundalo na escort sa PCOS machine inambus, 2 patay

MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ang nasawi habang lima ang nasugatan matapos na tambangan ng mga re­bel­deng New People’s Army (NPA) ang tropa ng militar na nage-escort sa mga PCOs (Precint Count Optical Scan) machine at Comelec officer kahapon ng umaga sa Brgy. Bagumbayan, Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ang dalawang nasawing sundalo na sina Cpls. Wilfredo Bacacao at Allen Pattaguan. Habang ang mga nasugatan ay sina Pfc Delfin Goyagoy, S/Sgt. Rico dela Cuesta, Sgt. Wayne Aguinaldo, T/Sgts. Herminigildo Vergara at Constante Alupani  at Sgt. Michael Adducul.

Nabatid na ang mga PCOs machine at ang mga Comelec officer ay nasa unahan ng convoy kasunod ang service vehicle ng PNP at nasa hulihan naman ang Army vehicle nang pagbabarilin dakong alas-9:00 ng umaga.

Sinabi ni Lt. Col. Lo­re­to Magundayao, Spo­kes­man ng Army’s 5th Infantry Division (ID), patungong Libuangan, Kalinga ang tropa ng Army’s 17th Infantry Battalion (IB) at ilang PNP personnel nang tambangan ng mga rebeldeng NPA.

Show comments