MANILA, Philippines - Limang oras na nakipaglaban kay kamatayan ang isang service crew ng Jollibee matapos itong barilin ng isa sa tatlong suspek na nakaaway nito sa lansangan dahil sa counterflow kahapon ng madaling-araw sa Taft Avenue, Ermita, Maynila.
Ang biktima na nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Philippine General Hospital (PGH) ay nakilalang si Elbert Budlat, 22, residente ng 1261 Leon Guinto St., Malate, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa ilalim ng mata.
Isa sa tatlong suspek na nadakip ay kinilalang si Jason Ignacio, 28, ng 1261 Sagay St., habang pinaghahanap pa sina Rolando Elizalde at ang gunman na si Raymond Yap.
Batay sa imbestigasyon, bago naganap ang pamamaril dakong alas-3:20 ng madaling-araw sa loob mismo ng pinagtatrabahuhang Jollibee PGH Branch ng biktima sa Pedro Gil St., Malate ay magdedeliber sana ng order ng kanilang kostumer ang biktima sakay ng kanilang service motorcycle nang
makaaway nito ang grupo ng mga suspek na sinasabing nag-counter flow sa lansangan.
Bumalik ang biktima sa pinapasukang trabaho upang umiwas sa gulo, ngunit sinundan siya ng mga suspek na kung saan ay nagkaroon ng kumprontasyon sa pagitan ng biktima at mga suspek.
Inawat ng store manager at sekyu ng nasabing fast food na si Efren Bales ang komprontasyon, subalit inagaw ni Ignacio ang service firearm na kalibre .38 ng guwardiya at itinutok sa biktima.
Kinuha naman ni Yap kay Ignacio ang baril saka ipinutok sa mukha ng biktima.
Nakatakas ang dalawang suspek lulan ng motorsiklong may plakang 1807-XZ, habang naaresto naman si Ignacio.