MANILA, Philippines - Isang wanted na berdugong miyembro ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang nadakip kahapon ng umaga sa isinagawang operasyon sa Brgy. Riverside, Isabela City, Basilan.
Ang nasakoteng bandido ay kinilalang si Abdulla Kallitut, may patong sa ulong P 1 milyon.
Batay sa ulat bandang alas-8:55 ng umaga nang masakote ng Task Force Sanglahi ang suspek matapos itong makorner sa nasabing lugar.
Bago ang operasyon ay nakatanggap ng intelligence report ang mga otoridad hinggil sa presensya ng suspek sa naturang lugar.
Inaresto ang suspek base sa standing warrant of arrest sa kasong 9 counts ng murder na inisyu ni Judge Leo Jay Principe ng Regional Trial Court Branch 1, 9th Judicial Region, Isabela City.