Hinaydyak na P.5-M electric fan nabawi

MANILA, Philippines - Isang broker at dalawang pahinante ang dinakip ng Manila Police District-Anti Carnapping Unit  matapos na isagawa ang isang follow-up  operation  sa Tondo, Maynil at nabawi ang may P.5 mil­yong halaga ng Fukoda  electric fan na hinaydyak kamakalawa sa may Trece Martires City, Cavite.

Ang mga suspek ay kinilalang sina Angeli Ginoo, tumatayong broker at dalawang pahinante na sina Rolly Magos at Dexter Garcia.

Ayon kay P/Sr. Insp.Rizalino Ibay, hepe ng MPD-ANCAR, una umanong nagreklamo sa kanilang tanggapan si Erlinda Villaflor, ng Techstrong Corporation laban sa kanyang dalawang pahinante na sina Magos, Garcia at sa kanyang truck driver na si Jose Morena na nakipagsabwatan para itakbo ang  kargamento ng kanyang minamanehong Isuzu six wheeler cargo truck (RLR-395) na nakarehistro sa Techstrong Corporation na may tanggapan sa 328 Playa St. Tondo, Maynila noong Abril 2 ng umaga.

Unang naaresto si  Ma­gos sa Delpan, Tondo dakong alas-9:30 ng gabi noong Abril 2, sinundan ni  Drexter Garcia, na nadakip sa may Dagat-dagatan, Caloocan City, noong Abril 3 dakong ala-1:30 ng mada­ling-araw.

Itinuro naman ng dalawang naaresto na nasa Molino, Cavite ang mga  hini-jack na electric fan at doon naman naaresto si Ginoo, na siyang umaktong broker at nagsaayos ng transaksiyon para maibenta kay Dharish Kohil ang mga nakaw na electric fan.

 

Show comments