Binata pinabulagta

MANILA, Philippines - Bulagta ang isang binata makaraang barilin ng hindi nakikilalang salarin sa isang basketball court sa lungsod Quezon, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni SPO1 Greg Maramag, may-hawak ng kaso ang biktima na si Venedict Idao, 19 residente ng Posentia St., Gravel Pit, Payatas-A, sa lungsod.

Naganap ang insidente sa basketball court na matatagpuan sa Gravel Pit, Area-A, Payatas-A, ganap na alas-4:00 ng hapon.

Ayon kay Vilma Idao, step mother ng biktima, nasa loob siya ng kanilang bahay at nagluluto nang makarinig siya ng sigaw na binaril ang biktima.

Agad siyang nagtungo sa basketball court kung saan nakita niya ang biktima na duguang nakahandusay sa lugar. Sa tulong ng mga kapatid at kaibigan, ay isinugod nila ang biktima sa Far Eastern University hospital para magamot, pero idineklara din itong dead on arrival, ganap na alas-5:11 ng hapon.

Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan na siyang ikinamatay nito. Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.

Show comments