MANILA, Philippines - Muling dumaong kahapon ng umaga ang barkong pandigma ng US Navy na nasangkot sa kontrobersya makaraang ang kontratista nito ay nagtatapon ng basura at maruming tubig na naugnay sa umano ay pagtatapon ng nakalalasong dumi o toxic waste sa Subic Bay.
Ang USS Emory S. Land (AS 39), isang support ship ng mga submarino, at dumaong sa Alava Pier sa Subic Bay para sa routine visit na sasabayan na rin ng pagpapaÂlakas sa ugnayan ng bansang Pilipinas at Estados Unidos, gayundin ng mga gawaing komunidad at military, ayon sa kalatas ng Embahada ng Estados Unidos.
Matatandaan na ang nasabing barkong pandigma ay nadawit sa kontrobersya noong nakaraang taon dahil sa umano ay pagtatapon ng maruming tubig at langis mula sa barko na kinolekta ng US Navy contractor Glenn Defense Marine Asia, na nagseserbisyo sa mga barkong pandigma ng Estados Unidos na dumadaong sa Subic.
Tinatayang umaabot sa 200,000 litro ng maruming tubig galing sa mga kubeta at palikuran ang kinukulekta ng MT Glenn Guardian, ang barge na pag-aari ng Glenn Defense mula sa US Navy ship Emory Land ang nakitang humigit sa toxicity standards na itinakda ng DENR.