Love triangle tinapos sa martilyo: Bebot pinag-aagawan ng dalawang kelot…

MANILA, Philippines - Minartilyo sa ulo ng isang lalaki ang kanyang karibal sa pag-ibig matapos na mahuli niya na pinagsasaing siya ng kanyang live in partner gamit ang kanyang kaldero ng naganap kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Ang biktima na nasawi dakong alas-7:00 ng umaga sa Ospital ng Maynila (OSMA) ay nakilalang si Rolando Elago, 38, construction boy sa nasabing ospital at walang permanenteng tirahan.

Naaresto agad ang suspek na si Demy Montes, 38, construction boy din sa nasabing ospital at walang permanenteng tirahan.

Sa pahayag sa pulisya ng nobya ng biktima na si Annalyn Cabatingan, 33, dakong alas-9:00 ng gabi ay nagsasaing siya para sa biktima gamit ang kaldero ng suspek na dati nitong karelasyon.

Nagulat si Cabati­ngan nang dumating ang suspek at sinita siya nito kung bakit ginagamit ang kanyang kaldero na kung saan ay nandoon ang biktima sa kanilang barracks sa President Quirino Ave­nue sa gilid ng OSMA.

Nagpalusot si Caba­tingan at sinabi na ang kanyang sinasaing ay para sa suspek na hindi naman pinaniwalaan kung kaya’t kumuha ng martilyo ang suspek at akmang ipapalo sa ulo ni Cabatingan.

Inawat ng biktima ang suspek na lalong na­galit kaya’t sa ulo ng una ipina­lo ang martilyo sa halip kay Cabatingan dahilan para ito ay dalhin sa ospital.

Nagkaroon pa ng malay ang biktima dakong ala-1:00 ng madaling araw, subalit muli itong nakatulog at hindi na nagising pa.

Sa follow-up operation ng Manila Police District-Homicide Section, naaresto ang suspek dakong  alas-3:10 ng hapon kahapon, sa pinapasukang construction site sa 1225 Alfredo St. Sampaloc, Maynila.

Ayon kay Cabatingan, mas nauna niyang ka-live-in ang biktima at nung maghiwalay taong 2011 ay nakilala niya ang suspek at naging live-in partner niya ng 6 na buwan, hanggang sa hiwalayan niya rin ito dahil sa madalas na pana­nakit at muling binalikan ang biktima nitong nakalipas na Disyembre.

 

Show comments