Nanay nalimutan na may niluluto… Mag-utol na tulog natupok sa sunog

MANILA, Philippines - Halos hindi na maki­lala ang magkapatid ma­tapos silang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Brgy. Cabadiangan, Compostela Valley kama­kalawa.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Julito Dejesica, 14-anyos, may-sakit na polio at  2-anyos nitong kapatid na babae na si Maricar.

Batay sa ulat, bago na­ganap ang sunog bandang alas-9:30 ng umaga ay pansamantalang iniwanan ang magkapatid na kasalukuyan pang natutulog ng kanilang ina dahilan para maglalaba ito ng marurumi nilang damit sa ilog.

Ilang oras ang nakakalipas ay isa sa kapitbahay ng mga biktima ang nagparating sa ginang na nasusunog ang kanilang bahay kaya’t humahangos itong umuwi, pero naabo na ang kanilang bahay at labi ng kaniyang dalawang anak ang kaniyang inabutan.

Nabatid na gawa ang buong kabahayan sa mahihinang uri ng mater­yales kaya’t mabilis itong natupok.

Lumitaw naman sa imbestigasyon na nakaligtaan ng ginang na mayroon siyang niluluto nang umalis ito ng kanilang  bahay.

Show comments