Ibinalya ng alon… Bangka tumaob: 4 lunod

MANILA, Philippines - Isang bangkang de motor ang binalya nang ma­lakas na alon kaya’t tumaob ito na ikinasawi ng 4 katao habang 22 ang nailigtas na naganap sa karagatan ng Bacacay, Albay kamakalawa ng hapon.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Diego Crisol, kapitan ng bangka; Chechin Espinisin, Jeffrey Base at isa pang hindi matukoy ang pagkakakilanlan.

Batay sa ulat, bandang alas-4:00 ng hapon ay naglalayag ang bangka na may lulang 26 pasahero sa karagatan na sakop ng Brgy. Igang nang masi­raan ito ng makina hanggang sa balyahin ito ng malakas na alon.

Nagsipagpanik ang mga pasahero matapos na madiskaril ang sinakyan ng mga itong bangka na tulu­yang tumaob sa insidente.

Mabilis na nakares­ponde sa lugar ang pinag­sanib na element ng Phi­lippine Coast Guard at Philippine Navy at nasagip ang 22 katao na karamihan ay mga guro na isinugod  sa Bicol Regio­nal Training and Teaching Hospital.

Show comments