4 opisyal ng Malaysia bihag ng Royal Army

MANILA, Philippines - Bihag umano ngayon ng mga Royal Army ang apat na mataas na opisyal ng Malaysia.

Ayon sa spokesman ng grupo ni Sultan Kiram na si Abraham Idjirani, ipi­nabatid sa kanila ni Raja Mudah Kiram, namuno sa royal forces sa pagpunta sa Sabah, na nahuli ng grupo nito ang 2 mataas na military officials, 1 police officials at isang government official ng Malaysia.

Inatasan naman ni Sultan Kiram ang kapatid na si Raja Mudah na  ingatan nito ang kanilang ‘Priso­ners of War’ (POW) dahil sa posibilidad na magsagawa ng ‘rescue operations’ ang Malaysian authorities upang bawiin ang kanilang mga bihag.

Sinabi pa ni Idjirani, nasa Sabah na din ang karagdagan nilang puwersa upang tulungan ang mga royal forces na inatake ng Malay­sian authorities noong Biyernes sa Lahad Datu.

Nilinaw din ng taga­pagsalita na “boluntaryo” umanong nagtungo ang mga ito sa Sabah para suportahan ang laban sa pag-angkin sa teritoryo.

Magugunita na naunang nanawagan si Pa­ngulong Benigno Aquino III noong Biyernes kay Kiram at mga supporters nito na nasa Sabah, Malaysia na sumuko na.

Samantala, isang Iman o pari at apat na anak nito ang sinasabing nasawi sa panibagong pag-atake ng Malaysian authority. Ina­aresto na rin umano ang mga Pinoy sa Sabah kahit may mga dukumento ang mga ito.

Show comments