Secretary Mar tinawag na “anti-Muslim” at spokesman ng Malaysia… 10 tauhan ni Kiram, 2 Malaysian police todas sa Sabah standoff

MANILA, Philippines - Iniulat ni Raja Muda Agbimuddin Kiram, ang namumuno sa Royal Sulta­nate Forces at kapatid ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III, sa pamamagitan ng radyo na unang nagkaroon ng putukan dakong alas-6:00 ng umaga at naulit dakong alas-10:00 ng umaga at napatay umano ang 10 niyang mga tauhan habang apat ang sugatan habang dalawang pulis-Malaysia ang nasawi nang mag-umpisa na ang pinangangambahang bakbakan sa pagitan ng higit sa 200 armadong Pilipinong Muslim na nagkukubkob sa Sabah at sa puwersa ng oturidad ng pamahalaang Malaysia.

Gumanti umano sila upang ipagtanggol ang sarili kung saan hindi nila mabatid kung may sugatan sa kanilang mga kalaban. Wala rin umano silang intensyon na sumuko o umatras.

Sa pulong balitaan naman ni Sultan Kiram sa Maharlika Village sa Taguig City, sinabi ng tagapagsalita nito na si Abe Idjirani na ang puwersa ng Malaysia umano ang unang nagpa­putok sa kanilang mga kasamahan dakong alas-6:00 ng umaga at pinalibutan ang puwersa ni Agbimuddin.
Sinabi naman ng isa pang miyembro ng pamilyang Kiram na si Prinsesa Jacel Kiram na bago mapaulat ang engkuwentro, patu­ngo na sana sa embahada ng Malaysia ang tiyuhin niyang si Idjirani upang makipag-usap para sa mapayapang pagresolba sa sitwasyon. Nagulat umano sila nang tumawag si Rajah Muda na nagsimula na ang palitan ng putok. Kaya’t hindi na natuloy ang pakikipag-usap nila sa embahada.

Tinawag naman ni Fatima Cecilia Kiram, asawa ni Sultan Kiram  si Interior Secretary Mar Roxas na “anti-Muslim” at tagapagsalita ng Malaysia dahil sa mga pahayag umano nito na pabor sa Malaysia sa halip na sa Pilipinas.

Kabilang dito ang panawagan na umatras na ang puwersa ni Kiram upang hindi masira ang relasyon ng Pilipinas at Malaysia at pagsasabi na higit 800,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Malaysia ang maaapektuhan sa aksyon ng mga Kiram.

Matatandaan na unang dumating sa Sabah ang puwersa ni Kiram nitong Pebrero 9 at nag-umpisa ang stand-off.  Nais bawiin ng Sultanate ng Sulu ang Sabah sa Malaysia na unang inupahan sa kanila ng North Borneo British Company sa halagang 5,300 Ringgit kada taon o katumbas na P70,000 sa loob ng 100 taon.

Ngunit nang umalis ang mga Briton at ma­bigyan ng kasarinlan ang Malaysia, hindi umano ibinalik ang Sabah at ipinagpatuloy na lamang ang pag-upa sa napakababang halaga kahit na kumikita ang Malaysia ng bilyon-bilyong hala­ga kada taon. - Danilo Garcia, Ellen Fernando-

Show comments