Tserman, 2 pa kinasuhan na sa pagpapatakas sa 3 Chinese drug lord

MANILA, Philippines - Isinailalim na kahapon sa inquest proceedings ang tatlo sa apat na naaresto sa pangunguna ng isang Brgy. Chairman na responsable sa pagpatakas sa 3 Chinese big time drug lord sa Trece Martires City, Cavite noong Pebrero 20.

Ang mga kinasuhan sa Cavite Provincial Pro­se­cutors Office kahapon  ay sina Leovino Fontanilla, Brgy. Chairman sa Tansang Luma, Imus City, Cavite; Emiliano Quilicol at Rene Bersales na ipinagharap ng kasong paglabag sa PD 1868 (obstruction of justice) at paglabag sa Ar­ticle 306 ng Revised Penal Code (Brigandage ).

Bukod dito karagdagan ding asunto ang isinampa laban kina Quilcol at Ber­sales ng paglabag sa Co­melec gun ban matapos ma­kumpiskahan ng mga armas.

Ikinukonsidera namang state witness ang ikaapat na suspek na si Rodel Cam­bongga na siyang nag­tu­ro sa mga kasamahan sa pa­ngu­nguna ni Fontanilla na isa umano sa nagplano nang pagtatakas sa tatlong Chinese drug lord.

Magugunita na noong Miyerkules dakong alas-10:00 ng umaga ay hina­rang at itinakas ng 20 ar­ma­dong kalalakihan na ki­nabibilangan ng mga suspek ang tatlong Chinese drug lord na sina Li Lan Yan alyas Jackson Dy, misis nitong si Wang Li Na at Li Tian Hu habang patungo sa paglilitis ng korte sa Trece Martires City.

Nagsilbi namang susi sa pagkakaaresto sa mga suspek ang resibo ng LBC na nakapangalan kay Cambongga na naiwan sa inabandonang kulay puting van (WTT-544 na gi­­namit na getaway ve­hicle na pinagsakyan sa 3 Chi­nese drug lord. – Joy Cantos, Cristina Timbang –

Show comments