MANILA, Philippines - Ayaw umalis ang may 200 Pinoy na nasasangkot sa standoff sa Sabah, Malaysia sa kabila ng panawagan sa kanila ng pamahalaan na umuwi na sa kani-kanilang mga tahanan sa Mindanao.
Base sa report, iginiit ng mga Pinoy na nananatiling nasa isang village sa Lahad Datu, Sabah na konektado sila sa Sultanate ng Sulu na may claim o nagmamay-ari sa buong dulo ng norte ng Borneo island na ngayon ay kilalang Sabah state.
Hinihiling ng mga nagdagsaang Pinoy na kinordon ng Malaysian security forces sa Lahad Datu na kilalanin sila bilang mamamayan ng Sultanate ng Sulu na siyang tunay na nagmamay-ari ng malaking bahagi ng Sabah.
Magugunita na naalerto ang Malaysian authorities sa pagdagsa ng mga armadong Pinoy sa isang village sa Lahad Datu noong Martes at hinihinalang mula umano sa paksyon ng mga rebeldeng Muslim na nadismaya at hindi kumbinsido sa “peace deal†ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front. Iginiit naman ng pamahalaan na hindi mga armado ang mga Pinoy at nagtungo sa Sabah matapos na pangakuan ng lupa bagaman may iilan lamang umano ang sinasabing armado. Bunsod nito, mas hinigpitan ng Malaysian authorities ang paglalagay ng mga pulis at militar sa nasabing village habang patuloy ang pagpapatrolya ng Malaysian Navy sa mga kalapit na isla doon upang hindi na mapasok ng sinasabi nilang mga rebelde mula Mindanao.