200 Pinoy sa Sabah na ‘armado’ pinauuwi sa PH

MANILA, Philippines - Agad na kumilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang tiyakin ang seguridad ng may 200 Pinoy na ilan ang sa kanila ay kinumpirmang armado sa nagaganap na negosasyon sa standoff o tensyon sa Lahad Datu, Sabah.

Nabatid na tumawag na si Malaysian Foreign Mi­nister Anifah Aman kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario kahapon ng umaga upang tiyakin sa kalihim na ang Malaysian government ay gumagawa na ng hakbang upang maresolba ang tensyon sa Sabah kung saan sinasabing may presensya ng may 200 Pinoy na ilan sa kanila ay armado at nagmula sa southern Philippines o Mindanao.

Sinabi ni del Rosario, patuloy ang negosasyon ng DFA at Malaysian government para kumbinsihin ang mga Pinoy sa nasabing lugar na tahimik na bumalik sa Pilipinas at iwasan ang anumang karahasan o pagdanak ng dugo.

Hiniling din ng Philippine government sa pamamagitan ng DFA sa Malaysian authorities na tiyakin at irespeto ang karapatan ng mga Pinoy na permanente nang naninirahan sa Sabah na maaaring kasama sa nasabing grupo.

Nananawagan ang DFA sa mga grupo ng Pinoy sa Sabah na umuwi na sa Pilipinas at magsibalikan na sa kanilang naiwang bahay at pamilya sa Mindanao.

Sa ngayon ay naglagay na ng karagdagang police patrols at hinigpitan ang seguridad sa baybayin ng Tawi-Tawi at kalapit na mga isla sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na posibleng pinagmumulan ng mga Pinoy patungo sa Sabah o border ng Malaysia upang doon manirahan.

Show comments