Bahay niratrat: Pamilya, 3 utas

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang tatlong mi­yembro ng isang pamilya kabilang ang isang 9-anyos na batang lalaki matapos na pagbabarilin ang kanilang bahay ng hindi pa kilalang mga suspek kamakalawa ng gabi sa Taguig City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Naya Daud, 40; mister na si Bensar, 34; at kanilang anak na si Bany, 9. Habang sugatan ang isa pa nilang anak na si Fatima Zahara, 2-anyos, na tinamaan ng bala sa daliri.

Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi nang pagbabarilin ng mga suspek ang bahay ng pamilya Daud sa may Block 15, Lot 25 San Juan St., Central Bicutan.

Sa pagsisiyasat ng pulisya sa loob ng bahay ay nakita ang mga paraphernalia sa paggamit ng iligal na droga kaya malaki ang hinala na iligal na droga ang sanhi ng krimen.

Tumanggi naman ang pamilya ng mga biktima na magsagawa ng pagsusuri sa lugar ng krimen ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) at maging ang pag-otopsiya sa bangkay ng kanilang mga kaanak na labag umano sa tradisyon ng mga Muslim.

 

Show comments