5 Batangas pulis kinasuhan ng murder sa pagpatay sa tauhan ng gambling operator

MANILA, Philippines - Kasong murder ang isinampa ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Batangas City Prosecutors Office  laban sa  lima sa 23 pulis na sangkot sa pagpatay kay Fernando “Pandoy” Morales na naganap  sa San Juan, Batangas noong Enero ng taong ito.

Ito ang inihayag ni PNP Chief P/Director General Alan Purisima sa press briefing sa Camp Crame, subalit tumangging panga­lanan ang mga kinasuhan na kinabibilangan ng isang opisyal at apat pang personnel ng PNP.

Si Morales ay sinasabing napatay umano sa shootout matapos na manlaban sa arresting team at kaunaunahang biktima sa karahasan sa unang araw ng pagpapatupad ng gunban sa bansa noong Enero 13 dakong ala-1:00 ng madaling araw.

Nabatid na si Pandoy ay tauhan ni Vic Siman, gambling operator na kabilang sa 13 kataong napaslang sa madugong shootout sa Maharlika Highway sa Atimonan, Quezon noong Enero 6 ng taong ito.

Sinampahan na rin ng kasong administratibo ang iba pang pulis  na sangkot sa operasyon sa PNP-Internal Affairs Service sa Camp Crame.

Batay sa post mortem and autopsy report, nagtamo si Pandoy ng anim na tama ng  bala, tatlo sa ulo, isa  sa kanang kamay at isa sa kaliwang binti.

Show comments