Pulis dedo sa karambola ng 4 na sasakyan

MANILA, Philippines -Apat na sasakyan ang nagkarambola kamakalawa sa bayan ng Tiaong, Quezon na ikinasawi ng isang pulis, at pagkasugat ng limang iba kabilang ang dalawang bata.

Ang nasawing pulis ay kinilalang si SPO2 Isagani Tibayan, nakatalaga sa Dasmariñas City Police Station sa Dasmariñas City, Cavite.

Ang mga nasugatan na dinala sa mga pagamutan ay kinilalang sina SPO2 Rudy Miguel; Ricky  Borez Atienza; Jhay-em Capina Villanueva, 5; Kim Aika Capina Villanueva, 3; Alma Salvago Atienza, 36.

Dinakip naman ang driver na si Carlito Papiona, residente ng Pacita Complex, San Pedro, Laguna na siyang itinurong may kasalanan sa karambola ng sasakyan.

Batay sa ulat, dakong ala-1:10 ng hapon ay kasalukuyang minamaneho ni Papiona ang kanyang Isuzu aluminum closed van (XJN -125 ) patungong kati­mugang direksyon nang mabangga nito ang hulihan ng Isuzu jeepney (VAZ 327 ) na minamaneho naman ni Richard Flores.

Sa lakas ng pagkakabangga, nabangga rin ng closed van ang isa pang tricycle na ikinasugat naman ng  mga pasahero nito na sa kamalasan ay nabangga rin ang isa pang Toyota Corolla (TCN) 967 na sinasakyan naman ng nasawing biktima.

Nabatid na ang lahat ng mga behikulong sangkot sa karambola ay ini-impound sa himpilan ng Tiaong Municipal Police Station at si Papiona ay kinasuhan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injury gayundin ng damage to property.

Show comments