MANILA, Philippines - May natanggap na ulat ang Department of Foreign Affairs (DFA) na may 2,000 Pinoy ang umano’y kasalukuyang stranded sa Kish Island sa Iran habang naghaÂhanap ng trabaho at nag-aantabay ng kanilang visa pabalik sa United Arab Emirates (UAE).
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, beniberipika na ng DFA sa pamamagitan ng Embahada ng Pilipinas ang pagkaka-stranded ng mga Pinoy sa Kish Island.
Inatasan ng DFA ang Embahada na may hurisdiksyon sa Iran na alamin ang kalagayan ng nasabing mga OFW at mabigyan ng anumang kaukulang assistance.
Nakarating ang ulat sa DFA matapos na makapanayam ng ABS-CBN DZMM ang isang OFW na nagtatrabaho sa Kish Island na si Fatima Arandia kahapon at ipinabatid ang sitwasyon ng mga stranded Pinoy na karamihan ay may hawak na tourist visa.
Nabatid na ilang buwang nananatili sa isla ang mga Pinoy na may hawak na visit visa mula UAE upang magbasakali na makahanap ng trabaho sa Kish Island. Matapos ang isang buwan ay maaari silang bumalik muli sa UAE dahil sa hawak na visit visa para doon muli maghanap ng trabaho.
Kabilang umano sa mga stranded na Pinoy na pinangakuan ng employment visa at biktima ng panloloko ng employer ang napipilitang pumunta sa Kish Island bilang kanilang exit at para makahanap ng trabaho.
Sa kabila nito, sinabi pa na ayaw pa ring magsibalikan sa Pilipinas ang mga OFWs dahil na rin sa umano’y mga utang na kanilang iniwan sa bansa.