Lider ng drug syndicate lumaban sa arresting team, napatay

MANILA, Philippines - Isang lider ng isang drug group ang nasawi habang nadakip ang tatlo nitong tauhan sa isang shootout kahapon ng madaling-araw sa Patikul, Sulu.

Ang nasawing suspek ay kinilalang si Sajari Amiril. Habang ang tatlo nitong kasama na naaresto ay kinilalang sina Isnira Amiri, Ajan Akdam at Dadang Sainuddin.

Batay sa ulat, dakong alas-2:15 ng madaling-araw nang salakayin ng pinagsanib na elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 9, PNP Special Action Force (SAF) 5th Battalion, Patikul Municipal Police Station at Special Operations Group ng Sulu PPO ang hideout ng drug gang sa Brgy. Godiness , Patikul ng nasabing lalawigan.

Gayunman sa halip na sumuko ay agad nagpaputok ng baril si Amiril na nagresulta sa ilang minutong palitan ng putok na ikinasawi nito. Wala namang nasugatan sa mga operatiba na nagsagawa ng operasyon.

Nasakote naman matapos makorner ang tatlo pang kasamahan ni Amiril sa nasabing operasyon.

 

Show comments