MANILA, Philippines - Nasa 100 kabahayan ang naabo habang isa ang nasugatan sa naganap na sunog sa isang squatters area sa General Santos City kahapon ng hapon.
Ang nasugatan ay kinilalang si Sandy Sulaiman, nagtamo ng paso sa likurang bahagi ng katawan.
Batay sa ulat, dakong ala-1:43 ng hapon nang maganap ang sunog sa Purok Islam, Brgy. DaÂdiangas South malapit sa tabing dagat ng lungsod.
Lumalabas sa ulat na nagsimula ang sunog sa bahay ni Sulaiman na mabilis kumalat sa mga katabing kabahayan na pawang mga barung-barong at dalawa lamang ang konkreto dahilan sa malakas ang hangin sa lugar.
Naapula naman ang sunog matapos magresponde ang mga bumbero sa lugar.
Tinataya namang aabot sa P 800,000 ang pinsala ng sunog habang patuloy ang imbestigasyon kung ano ang dahilan ng sunog.