Opisina ng pulis niransak

MANILA, Philippines - Maging ang opisina ng pulis ay hindi pinalampas ng mga kawatan nang limasin ang laman ng locker ng 3 pulis na nakatalaga sa Information Technology Office (ITO)  ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Kabilang sa mga nana­kawan ay sina NCRPO-ITO chief, P/Insp. Jay Walter Santiago, PO1s Ale­xander Po, 32; at Danilo Dayog.

Sa naantalang ulat ng Taguig City Police, nadiskubre ang nakawan nitong nakaraang Martes ni PO1 Po nang makita niyang wasak ang kanyang locker pati na ang locker ng kanyang hepeng si Santiago at kasamahang si Dayog.

Natangay ng mga ka­watan ang nakaisyu sa kanya na kalibre .9mm Beretta baril, personal na baril na kalibre .45, rubber shoes. Nanakaw naman kay Insp. Santiago ang laptop computer nito, electric shaver ni Dayog at projector na pag-aari ng kanilang opisina.

Walang nakitang pala­tandaan na puwersahang pinasok o winasak ang main door papasok sa na­turang tanggapan kaya’t malaki ang hinala ng pulisya na nagdaan ang mga suspek sa pinaglalagyan ng air condition sa stock room ng tanggapan ng Regional Director na nasa tabi lamang ng ITO.

Sinabi ni Concordio Antipona na ipinaayos ang naturang air conditio­ning unit noong nakaraang Lunes at naiwan ang butas na nagkokonekta sa dalawang tanggapan.

Show comments