Binatilyo utas sa saksak

MANILA, Philippines - Utas ang isang binatilyo makaraang pagtripang pagsasaksakin ng umano’y maton habang ang biktima ay naglalakad kasama ang kanyang kaibigan sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ang biktimang si Gilbert Duhaylungsod, 15,  ng Purok 5, Phase 2, Lupang Pangako ay nagawa pang maitakbo sa ospital pero binawian din ng buhay bunsod ng malalim na tama ng saksak sa dibdib na tumagos sa kanyang puso.

Tinutugis naman ngayon ng mga awtoridad ang suspek na isang  alyas “Totoy Wakwak”, residente ng Phase 1, Lupang Pangako, Brgy. Payatas B na mabilis na tumakas makaraan ang krimen.

Ayon kay SPO2 Eric Lazo ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, nangyari ang insidente sa harap ng Sarah’s Burger na matatagpuan sa Urban Road, corner Phase 2 St., Lupang Pangako ganap na alas-11:25 ng gabi.

Naglalakad umano ang biktima kasama ang kaibi­gang si Francis Sartillo nang makasalubong ang suspek at walang sabi-sabing sinakyod ng saksak sa katawan.

Sa kabila ng natamong sugat sa dibdib ay nagawa pa ng biktima na makatakbo pero hindi pa ito nakakalayo ay bumuwal din agad sa kalye.

Sinasabing ang suspek ay kilalang maton o siga sa kanilang lugar na madalas ay naghahamon ng away sa kanyang mga kapitbahay sa tuwing nalalasing.

 

Show comments