Mister dinedo sa tabi ni misis

MANILA, Philippines - Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang 40-anyos na lalaki nang barilin ito sa tabi ng kanyang asawa ng isang gunman na nakamotorsiklo kamakalawa sa Sta. Mesa, Maynila.

Ang nasawi ay nakilalang si  Mannifer Telan, ng Danka St., V. Mapa, Sta. Mesa, Maynila.

Ang suspek na mabilis tumakas ay inilarawan na may taas na 5’7” hanggang 5’8”, nakasuot ng helmet na kulay itim, naka-jacket na puti at nakamaong pants.

Batay sa ulat, dakong alas-9:00 ng gabi ay sinundo ng misis na si Gemma ang mister sa pagtitinda nito ng DVD sa V. Mapa sakay ng tricycle.

Pagdating sa Road 2, V. Mapa, Sta. Mesa ay sumulpot ang isang motorsiklo na kinalululanan ng suspek at pagdikit sa tricycle  ay agad na binaril ang biktima sa kaliwang dibdib.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay.

 

Show comments