Mga kaalyado ni Congw. Gloria pinalulutang sa Maguindanao massacre case

MANILA, Philippines - Nakatakdang ipatawag ng Quezon City RTC ang mga kaalyado ni dating Pangulo at ngayon ay Pam­panga Rep.Gloria Macapagal-Arroyo upang tumestigo laban kay da­ting Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na umano ay utak sa Maguindanao massacre.

Ayon sa prosecution panel na dumalo sa hea­ring kahapon sa sala ni QC RTC-Branch 221 Judge Jocelyn Reyes Solis na dapat ipatawag sina da­ting Local Water Utilities Administration (LWUA) head Prospero Pichay, da­ting political adviser Gabby Claudio, dating exe­cutive secretary Eduardo Ermita at dating National Security Adviser Norberto Gonzales.

Sinabi ni Prosecutor Aristotle Reyes ang mga nabanggit ay kabilang sa talaan ng mga taong saksi sa krimen at may nalalaman sa napag-usapan hinggil sa umanoy pag­kandidato ni dating Buluan vice mayor at ngayoy Maguindanao governor Esmael Mangu­dadatu  para labanan ang mga  Ampatuan sa nagdaang  2010 elections.

Nabatid na sina Pichay, Claudio, Ermita at Gonzales ang nasa likod ng pagkumbinsi kay  Mangudadatu na tumakbong gobernador sa Maguindanao para ibagsak ang liderato ng pamilyang Ampatuan na pinangungunahan ni Andal Ampatuan Sr.

Una nang naisama ng prosekusyon si dating Defense Secretary Gilberto Teodoro sa talaan nila ng mga witnesses laban kay Zaldy na nagsasabing isa siya sa nag-ayos ng natu­rang meeting hing­gil dito.

Kaugnay nito, itinakda naman ng korte na i-recall si  Mangudadatu sa witness stand para tumestigo sa kaso kasabay ng  gagawing pagbusisi ng korte hinggil sa bail petition ni Zaldy.

Ipiprisinta din ng pro­sekusyon si dating Ma­guin­danao election supervisor Lintang Bedol, at journalists na sina Anthony Taberna at Joseph Morong na nagsagawa ng panayam kay Zaldy kaugnay ng naging partisipasyon nito sa massacre.

Show comments