MANILA, Philippines - Inianunsyo nina Interior and Local Government Secretary Mar Roxas at PNP Chief Director General Alan Purisima pagsibak sa puwesto ng 23 pulis na nagsagawa ng checkpoint operations.
Sinabi Purisima na ang lahat ng opisyal na sangkot sa operasyon sa kinukuwestiyong overkill na shootout ay ipinag-utos niyang ‘restricted to custody’ sa Camp Crame.
Kabilang sa mga nasibak na opisyal ay sina Quezon Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Valeriano de Leon, Supt.Ramon Balauag, Chief ng Intelligence ng Quezon Police; Chief Inspector Grant Gollod, hepe ng Atimonan Police, Inspectors Ferdinand Aguilar, Evaristo San Juan; pawang ng Atimonan Police, ang sugatang si Supt. Hansel Marantan, Deputy Chief ng Regional Intelligence Division (RID) ng PRO IV A na namuno sa checkpoint operation at subordinate nitong si Sr. Inspector Timoteo Orig.
Ang mga nasibak na mga PNP personnel ay nakilala namang sina PO3 Benedict Dimayuga, PO2 Ronnie Serdeña, PO1s Esperidion Corpuz Jr., Bernie de Leon at Allen Ayubo; mga miyembro ng Atimonan Police habang mula naman sa Regional Intelligence Division sa PRO IV A ay sina SPO3 Joselito de Guzman, SPO1 Claro Cataquiz Jr., PO3 Eduardo Oronan, PO2s Nelson Indal, Al Bhazar Jailani, PO1s Wryan Sardea at Rodel Talento.
Ayon pa kay Roxas base sa inisyal na imbestigasyon ng binuong Fact Finding Team sa pamumuno ni Chief Supt. Federico Castro ay lumabag sa police operational procedure ang 15 sa mga pulis na nagsagawa ng checkpoint sa pamumuno ni Marantan na hindi nakasuot ng uniporme nang mangyari ang shootout.
Inihayag ni Roxas na walo rin sa 13 napatay na suspek ay lumitaw na positibo sa paraffin test na patunay lamang na nagpaputok ang mga ito ng baril.
Samantalang kabilang rin sa operasyon ay ang 25 tauhan ng Philippine Army sa pamumuno nina 1st Special Forces Battalion Lt. Col. Monico Abang at ni Capt Erwin Macalinao, 3rd Special Forces Company.
Napag-alaman na 186 ang tama ng bala mula na tinamo ng unang SUV na sinasakyan ni Supt. Alfredo Consemino, Group Director ng Police Regional Office (IV) B habang 50 naman ang sa ikalawang SUV na ka-convoy nito.