Tisay sinalvage

MANILA, Philippines - Hinihinalang biktima ng salvage ang isang hindi pa nakikilalang babae na tisay na natagpuang tadtad ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at itinapon sa gilid ng tulay ng Brgy H2 Datu Esmael Dasmariñas City, kahapon ng mada­ling-araw.

Ang biktima ay tinata­yang nasa edad na 25-30, may taas na 4’10, nakasuot ng puting printed na t shirt at maong na pantalon.

Sa imbestigasyon ni PO2 Paulo Figueroa may hawak ng kaso ganap na alas-4:30 ng madaling-araw ng ma­katanggap sila ng tawag mula sa ilang residente ng nasabing lugar na may natagpuang patay sa gilid ng tulay.

Sinabi ni Figueroa, po­sibleng pinahirapan muna ang biktima bago tu­luyang pinaslang dahil sa mga nakitang mga pasa sa katawan at iginapos ang dalawang kamay bago pinagbabaril.

Ayon sa mga residente ng barangay H2, hindi tagaroon ang biktima at posibleng sa ibang lugar din pinatay at itinapon la­mang sa nasabing barangay.

Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigas­yon ang pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at kung sino ang responsable sa krimen.

Show comments