Kelot nalunod sa pagsagip sa Hapones at pinsan

MANILA, Philippines - Nalunod ang isang 21-anyos na binata matapos nitong sagipin ang nalulunod na  pinsan at  Hapones  na mister ng kaniyang tiyahin kamakalawa sa isang ilog sa Brgy. Lopez Jaena, Murcia, Negros Occidental.

Ang nasawi ay kinilalang si Johnrey Mendoza, residente ng Regent Pearl Homes Subdivision sa Brgy. Alijis, Bacolod City.

Ang dalawang nailigtas ni Mendoza ay nakilala namang sina Ryo Ji Ywasaki, 53, ang Hapones na mister ng tiyahin ng biktima at pinsan nitong si Kimberly Mendoza, 24.

Batay sa ulat ng Negros Occidental Police, nag-outing ang mga biktima sa Bago River dahil sa paalis na ang tiyahin ng biktima at mister nitong Hapones para bumalik sa bansang Japan.

Dakong alas-9:00 ng umaga ay napagawi umano sa malalim na bahagi ng ilog sa labas ng resort na tinutuluyan ng mga biktima ang Hapones at nalunod ito kaya’t sinagip ito ni Kimberly, pero kapwa nalunod ang mga ito.

Sumaklolo naman si Johnrey at isa pang pinsang si Eligel Alegada, subalit sinawing palad na malunod ang una habang matagumpay namang nailigtas ang dalawang nalulunod.

 

Show comments