106 katao sa Davao City arestado sa pagpapaputok
MANILA, Philippines - Tinatayang aabot sa 106 katao (49 matanda at 57 menor de edad) sa Davao City ang sa kulungan sumalubong ng Bagong Taon nang arestuhin matapos na maaktuhang nagpapaputok ng firecrackers at pyrotechnics kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Davao City Police Director Sr. Supt. Roland dela Rosa ang pag-aresto sa nasabing mga tao ay alinsunod ng ‘total ban’ ng mga paputok sa lungsod.
Nabatid na mula alas-5:00 ng hapon kamakalawa hanggang bago ang pagsalubong sa pagpapalit ng taon ay naaresto ang mga suspek dahil sa paglabag sa ordinansa ng lungsod na nagbabawal sa paggamit ng mga paputok.
Nabatid na nasa 500 nakasibilyang mga pulis ang ipinakalat ng Davao City Police upang hulihin ang mga pasaway na residente ng lungsod na magpapaputok ng anumang uri ng mga firecrackers at gayundin ang gagamit ng pyrotechnics.
Inihayag din ng opisyal na ‘zero injury’ sa pagsalubong sa Bagong Taon ang lungsod kung saan naging masaya at mapayapa ang pagdiriwang.
Nabatid na sa halip na paputok ay nagtorotot na lamang ang mga residente, nag-videoke, street discos sa saliw ng sikat na tugtuging “Gangnam Style” at gumamit rin ng iba pang uri ng hindi mapaminsalang pampaingay.
- Latest