MANILA, Philippines - Todas ang isang mister habang sugatan ang misis nito makaraang pagsasaksakin ng tatlong suspek na humarang sa kanilang daraanan sa Valenzuela City, kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Roger Gonzaga, 37-anyos, residente ng T. Samson Street, Llano, Caloocan City. Ginagamot naman sa Valenzuela General Hospital ang misis nitong si Luz Gonzaga, 27-anyos, na nagtamo ng tama ng saksak sa kamay.
Nadakip naman ng mga rumespondeng pulis ang mga suspek na sina Jeric Cuaresma, 20 ng Punturin; Alvin Manuel, 23; Jon-Jon Ignacio, 22, kapwa ng Paso De Blas, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Valenzuela City Police, naganap ang krimen dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa General Luis Street, Brgy. Paso De Blas, ng naturang lungsod.
Nabatid na sakay ng tricycle ang mag-asawa papauwi ng kanilang bahay nang harangin ng tatlong suspek.
Tinangka pang makatakbo ng nasawing si Roger ngunit nakorner ito ng mga suspek at sunud-sunod na pinagsasaksak. Sumaklolo naman ang misis nito kaya ito tinamaan ng saksak sa kamay.
Agad namang nagsagawa ng follow-up operations ang magkasanib na puwersa ng Valenzuela Police at mga barangay tanod na nagresulta sa pagkakadakip ng tatlong suspek.
Inaalam ngayon ng pulisya ang motibo ng naturang pamamaslang habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong murder at frustrated murder sa mga suspek.