MANILA, Philippines - Arestado sa mga tauhan ng pulisya ang isang mataas na opisyal ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na nag-ooperate sa Northern Luzon sa isinagawang operasyon sa Tuguegarao City, Cagayan nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 2 Director P/Chief Supt. Rodrigo de Gracia ang nasakoteng lider ng NPA na si Rene Emondo Abiva.
Ayon kay de Gracia, si Abiva ay nadakip ng mga intelligence operatives ng pulisya sa kahabaan ng Taft Street, Bagumbayan, Tuguegarao City ng lalawigan bandang alas-4:35 ng hapon.
Inaresto si Abiva sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa lalawigan ng Ifugao kaugnay ng kaso nitong kriminal.
Base sa record, si Abiva ay cadre at miyembro ng Regional White Area Committee ng CPP-NPA na kumikilos sa Cagayan Valley Region.