MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang hindi pa nakikilalang karnaper makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang itinatakas nito ang isang motorsiklo na kanyang ninakaw sa Ermita, Maynila, kahapon ng umaga.
Inilarawan ni SPO2 Glenzor Vallejo, imbestigador ng Manila Police District-Homicide Section, ang nasawing suspek na nasa edad 35-40, 5’8-5’9 ang taas, nakasuot ng kulay pink at white stripes t-shirt at gray na short pants.
Naganap ang insidente dakong alas-5:00 ng umaga sa Governor Center Drive malapit sa panulukan ng P. Burgos Drive, Ermita, Maynila.
Nabatid na basta na lamang sinakyan at pinaandar ng suspek ang nakaparadang motorsiklo na napuna ito ng mga naka-istambay na operatiba sa PCP Luneta subalit humarurot ito sa direksiyon ng Taft Avenue.
Nagkataong may isinasagawang surveillance operation ang mga tauhan ni Senior Insp. Rolando Lorenzo, hepe ng City Hall Public Assistance nang makitang papatakas ang suspek, sakay ng kulay blue na Yamaha Novo Mio kaya pinara ito.
Sa halip na huminto, nagbunot ng baril at pinaputukan ang mga pulis kaya nagkaroon ng palitan ng putok at running gun battle hanggang sa mapuruhan ng bala ang suspek na nagresulta ng kanyang agarang kamatayan.