MANILA, Philippines - Kasong anti-smuggling ang isinampa ng Bureau of Customs sa Department of Justice laban sa tatlong kumpanya na nagpuslit ng mga agricultural products mula China na nagkakahalaga ng mahigit P12 milyon.
Ipinakita ni Customs Commissioner Ruffy Biazon sa media ang mga dokumento sa pagsasampa ng kaso laban sa mga consignees ng Rorumen Agricultural Products, Karyawan at Marbatan Enterprises.
Ang mga nasabing consigness ay itinuturing umanong mga smuggler dahil ipinuslit nila ang mga imported na patatas at carrots na nagmula sa bansang China na una nilang idineklara na mga gamit sa kusina, subalit nang inspeksiyunin ng mga taga-BoC ay natuklasan na mga agricultural products.
Nabatid na aabot sa P12.5 milyon halaga ang mga nasabat ng mga tauhan ni Biazon kamakailan sa Manila International Container Port (MCIP) sa Maynila.