2 araw bago mag-Pasko… Iniwan ng nobya nagbigti

MANILA, Philippines - Minabuti ng isang 28-taong gulang na binata na mag­pakamatay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa Quezon City kahapon ng umaga matapos siyang iwan ang kanyang nobya dalawang araw bago mag-pasko.

Si Mark Anthony Ma­nalo ay nadiskubre ng kan­yang nakababatang kapatid na babae sa loob ng kanyang kuwarto sa J.P. Laurel St., Barangay Commonwealth sa lungsod na wala ng buhay ga­nap na alas-9:10 ng umaga.

Ayon kay PO2 Hermogenes Capili, may-hawak ng kaso, ang biktima ay na­kabitin mula sa kisame ng kanyang kuwarto gamit ang electrical cord na ipina­lupot sa kanyang leeg.

Sinabi ng kapatid ni Mark Anthony na si Mary Jane, 26, ang kanyang kuya ay nakipag-live in sa isang Wilma sa loob ng dalawang buwan.

Gayunman, iniwan umano ni Wilma ang kanyang kuya nitong nakaraang Biyernes matapos silang mag-away.

Huling nakitang buhay si Mark Anthony ganap na alas-11:00 ng gabi na malalim ang iniisip at malungkot habang bumibili ng sigarilyo sa tindahan.

Ani Mary Jane, nagpunta siya sa kuwarto ng kanyang kuya para ito ay kanyang tingnan dahil hindi nakasara ang pinto pero laking gulat nito nang makita ang kanyang kapatid na nakabigti at wala ng buhay.

Iginiit ni Mary Jane na labis na dinamdam ng kanyang kuya ang pag-alis ni Wilma lalo pa’t dalawang araw na lamang ay pasko na.

Aniya, minsan na rin niyang nakitang nag-away ang kanyang kuya at si Wilma dahil sa pera at pa­giging seloso umano ng biktima.

 

Show comments