MANILA, Philippines - Todas ang umano’y gunman na kabilang sa grupo ng mga armadong suspek na tumambang sa isang grupo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2009 matapos na tangkain nitong makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Cotabato City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PDEA Director Gen. Usec. Arturo G. Cacdac, Jr. ang nasawing suspek na si Morad Solaiman y Abdul, 33, kabilang sa target-listed drug personality ng PDEA at residente sa Bagua 2, Cotabato City. Si Solaiman ay sinasabing miyembro ng Guimad Drug Group nag-ooperate sa Cotabato City.
Si Solaiman ay kabilang umano sa pag-atake laban sa team ng PDEA agents noong April 13, 2009 sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao.
Sinasabing papunta ang tropa ng PDEA sa lugar para isilbi ang Warrant of Arrest nang tambangan sila ng grupo ng mga suspek kung saan nasawi si Agent Pablo June Jala at ikinasugat ng isa pang confidential informant.
Base sa imbestigasyon, ang engkuwentro sa pagitan ni Solaiman at mga awtoridad ay naganap habang nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga elemento ng PDEA Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-ARMM) sa pamumuno ni Director Yogi Felimon Ruiz ganap na alas 5:30 ng madaling-araw.
Si Solaiman ay naaktuhan habang nagbebenta ng isang plastic sachet na naglalaman ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, sa isang PDEA agent na nagsilbing posuer buyer.
“The buy-bust operation turned into a gunfight when Solaiman, armed with a gun, tried to elude arrest.
He drew his pistol and opted to shoot it out with our agents that cost his life,” sabi ni Cacdac. Nabawi sa suspek ang isang cal.45 baril at limang gramo ng ipinagbabawal na gamot.