MANILA, Philippines - Dahil sa bailable ang kaso ay nakalaya na matapos makapagpiyansa ang dalawang miyembro ng “UV Express” na kabilang sa mga nadakip noong Oktubre ng Parañaque City Police.
Ayon kay Parañaque Police Intelligence head, Chief Insp. Ferjed Torres na tanging “robbery” lamang na “bailable” ang naisampa sa mga suspek na sina Arden Manal, 24, ng Casoy Uno, Antipolo City; at Red Marlon Guarino, 23-anyos, ng Brgy. Ramon Cruz, GMA, Cavite, kaya nagawang makapaglagak ng piyansa ng mga ito.
Isa pang suspek na si Ludy Dagupioso, 58; ng Sto. Nino, Parañaque, ang posibleng makalaya na rin dahil sa inaasikaso na nito ang kanyang piyansa.
Bukod sa mga ito, tatlo pang kasamahan ng mga ito na kasama sa 10 naaresto ng Parañaque Police noong Oktubre ang una nang nakalaya nang hindi masampahan ng kaukulang kaso dahil sa iniimbestigahan pa ang kanilang kaugnayan sa krimen.
Tanging ang lider na si Ritchie Cahinta at dalawa pang kasama ang hawak ngayon ng mga otoridad.
Sa monitoring ng Parañaque Police, dalawang pasahero ng magkaibang UV Express ang nabiktima ng mga holdaper sa Pasig City kamakalawa ng gabi ngunit hinihinalang ibang grupo ang may kagagawan.