MANILA, Philippines - Hindi umano sasantuhin ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas sa isasagawang masusing imbestigasyon sa expose ng mga whistleblower laban kay Pangasinan Governor Amado Espino Jr. na siya ang jueteng lord sa lalawigan na nagkakamal ng P10M kada buwan na aabot na sa halos P900M.
Ito ay base sa ibinulgar ni Mayor Ricardo Orduna ng Bugallon, Pangasinan at Brgy. Chairman Fernando Alimagno alyas Boy Bata, jueteng financier laban kay Espino.
Si Espino ay sinampahan na rin ni Orduna ng kasong plunder sa tanggapan ng Ombudsman.
Samantala, mariing pinabulaanan naman ni Espino ang alegasyon ni Orduna ang kanyang pagkakasangkot sa jueteng at pamumulitika lamang ang akusasyon dahil sa matagal na umanong nilang napatigil ang ilegal na jueteng sa kanilang lalawigan.
Aminado naman si Espino na pinalitan ng Jai-alai game of chance ang jueteng matapos bigyan ng permit ng ilang mayor ang Meridien Gaming
Corp., isang kumpanya na naka-base sa Sta. Ana, Cagayan at umanoypag-aari ni Charlie “Atong” Ang.
Ani Espino, si Orduna, na noon ay pangulo ng Pangasinan Mayors League, ang nagpakilala pa umano sa kanya kay Ang. Nakikiusap umano si Ang na
tulungan siya na makalapit sa mga mayor ng Pangasinan.
Inihayag din ni Espino na nakikipag-ugnayan na siya sa kanyang mga abugado para sa pagsasampa ng kasong libel at perjury laban kay Orduna.