MANILA, Philippines - Nagpasok ng “not guilty plea” kaugnay ng Maguindanao Massacre noong taong 2009 si dating Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) Governor Zaldy Ampatuan na binasahan kahapon ng sakdal.
Dakong alas-9:25 ng umaga nang dinggin ang kaso ni Ampatuan sa espesyal na korte sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City.
Napilitan pang ilang beses na tanungin ni Judge Jocelyn Reyes-Solis ng Quezon City Regional Trial Court branch 112 si Ampatuan bago ito nagsalita na: “I am not guilty, your honor”.
Si Zaldy ang ikatlong miyembro ng pamilya Ampatuan na nabasahan ng sakdal sa kaso. Una nang nagpasok ng “not guilty plea” ang ama nitong sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr. at kapatid na si Andal Jr.
Kabilang si Zaldy sa itinuturo ng mga testigo na kasamang nagplano ng pagmasaker sa convoy na pinangungunahan ng misis ni Mangudadatu noong Nobyembre 23, 2009 na kung saan ay napaslang ang 58 biktima na sumama sa convoy kabilang ang 32 mamahayag. – Danilo Garcia, Angie dela Cruz –