Matapos komprontahin ng misis… Mister May mistress nagbaril sa ulo

MANILA, Philippines - Tila nakonsensiya ang isang mister sa ginagawa niyang pag­tataksil sa kan­yang misis nang kom­prontahin siya nito kung kaya’t nagbaril sa ulo kamakalawa ng gabi sa loob ng kanilang bahay sa Pasig City.

Ang biktima na patu­loy na inoobserbahan sa Pasig City General Hos­pital dahil sa tama ng bala sa kanang senti­do ay nakilalang si Jaime Macapigas, 21, residente ng Mangga Nag­payong, Barangay Pinagbuhatan l.

Sa initial report ni SPO1 Lardy Ignacio, Pasig City Police-Criminal Investigation Unit, naba­tid na dakong 11:30 ng gabi nang maganap ang pagbaril ng biktima sa loob ng kanilang inuu­pa­hang apartment sa Mangga Nagpayong.

Sa salaysay sa pulisya ni Aiza Macapigas, na nag­karoon sila ng pagtatalo ng mister matapos niya itong komprontahin tungkol sa isang babae na madalas nitong kausapin sa telepono.

Pagkatapos ang argu­mento ay natulog na ang misis sa kanilang ku­warto nang ilang minuto ay nakarinig ito ng putok ng baril at nang puntahan ang pinag­mu­lan ng putok ay nakita ang asawa na duguang naka­handusay sa sahig kaya’t agad dinala sa paga­mutan.

 

Show comments