MANILA, Philippines - Isang drug den operator at dalawa pa niyang kasama sa sindikato ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isinagawang entrapment operations sa Barangay Pinyahan, Quezon City.
Kinilala ni PDEA Director General Undersecretary Arturo G. Cacdac, Jr. ang suspek na si Romulo Lecanda na sinasabing operator ng droga at kanyang mga kasama na sina Rommel Rivera, 31 at Ricky Napoles, alyas Nog-Nog, 32. Ayon kay Cacdac si Lecanda ay kasama sa Watch List ng Drug Personalities ng PDEA. Ang mga suspek ay nahuli na kapwa nagbenta ng shabu sa mga poseur buyer ng PDEA. Nakuha kay Lecanda ang walong plastic sachets ng shabu at assorted drug paraphernalia.
Ang tatlong suspek ay nakapiit ngayon sa PDEA detention cell makaraang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002.