MANILA, Philippines - Napatay sa isang checkpoint ang dalawang lalaki na umano ay mga holdaper na sakay ng isang motorsiklo matapos na makipagbarilan sa mga pulis kahapon ng madaling-araw sa Rodriguez, Rizal.
Walang nakuhang anumang pagkakakilanlan ang mga pulis sa katawan ng dalawang napatay na suspek.
Batay sa ulat na natanggap ni Police chief, P/Supt. Arthur Masungsong, nabatid na dakong alas-12:30 ng madaling araw nang maganap ang engkuwentro sa tapat ng Pamantasan ng Montalban sa Kasiglahan Village, Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal.
Nabatid na naglatag ng checkpoint/chokepoint sa nasabing lugar ang mga pulis nang mapadaan ang mga suspek na sakay ng motorsiklo na walang plaka.
Pinara ito ng mga pulis, subalit sa halip na huminto ay pinaharurot ng mga suspek ang kanilang motorsiklo at nilagpasan ang checkpoint na kung saan ay pinaputukan ng angkas ang mga humahabol na pulis.
Gumanti ng putok ang mga pulis na nauwi sa ilang minutong shootout na ikinasawi ng dalawang suspek.